Nang kapanayamin mamamahayag na Tsino, ipinahayag kahapon ni Puspa Kamal Dahal Prachanda, dating Punong Ministro ng Nepal, ang pasasalamat sa ibinibigay na tulong ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino sa Nepal.
Sinabi niya na pagkaraang maganap ang napakalakas na lindol, agarang nagpahayag ng pakikiramay at nagkaloob ng maraming kasangkapan at materiyal sa Nepal ang pamahalaan at mga mamamayang Tsino. Aniya, grabeng naaapektuhan ng lindol ang maraming lugar ng bansa, partikular na sa mga lugar sa dakong hilaga ng bansa. Nanawagan din siya sa mga organisasyong di-pampamahalaan ng iba't-ibang bansa na lumahok sa gawaing panaklolo at rekonstruksyon ng Nepal.
Nang araw ring iyon, sa ilalim ng pagkatig at tulong ng mga departamento na gaya ng Pambansang Kawanihan ng Turismo ng Tsina, apat (4) na turistang Taga-Hongkong sa Nepal ay maalwang bumalik sa Hong Kong.
Ayon sa pinakahuling datos na isinapubliko kahapon ng Ministri ng Suliraning Panloob ng Nepal, 6,659 katao ang nasawi sa napakalakas na lindol, at 14,062 iba pa ang nasugatan. Hanggang sa ngayon, 76 dayuhan ang nasawi sa lindol, at 204 na dayuhan iba pa ang nawawala.
Salin: Li Feng