|
||||||||
|
||
IBA'T IBANG problema ang hinaharap ng mga manggagawang Filipino sa ibang bansa. Ito ang lumabas sa "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga na kinatampukan nina dating Senador at ngayo'y Chairman ng Philippine Red Cross Richard J. Gordon, Migrante Deputy Secretary-General Sol Pillas, Presidente ng Philippine Migrant Workers Rights Watch Mel Nuqui at dating National Center for Mental Health Dr. Benny Vicente.
Ayon kay Bb. Pillas, 28 taon siyang naglingkod sa Hong Kong at ni walang malapitang mga taga-konsuladong may kakayahang magbigay ng payo sa mga problemang kinakaharap nila sa mayamang lungsod. May mga magkakataong naghubugas-kamay pa ang mga taga-konsulada sa halip na tulungan ang mga problemadong manggagawa.
Ani Bb. Pillas, matatagpuan ang mga manggagawang Filipino sa 196 na bansa sa daigdig.
Binanggit niya ang kaso ng isang biktima ng sexual harassment na dumulog sa konsulado na sinabihan pang "maganda ka kasi kaya ka nabiktima ng sexual harassment."
Iba na rin ang kalakaran sapagkat mga pribadong kumpanya na at mga recruiter mismo ang nangangasiwa sa Pre-Departure Orientation Seminar na ginagawa tatlo hanggang apat na araw bago umalis ang isang manggagawa. Pinagbabayad pa sila sa pagdalo sa seminar na ang ibinibigay na impormasyon ay kung saan magpapadala ng foreign remittances.
Ayon kay Bb. Pillas, bukod rito ang ginagawang pagsasanay sa mga makabagong home appliances na kailangang bayaran ng P 10,000 para sa ilang araw na diumano'y pagtuturo. Pakakainin ng kakarampot samantalang ginagawang alila ng mga recruiter.
Nanawagan naman si dating Senador at ngayo'y PRC Chairman Richard J. Gordon sa pamahalaan at pribadong sektor na alagaan ang mga manggagawang ipinadadala sa ibang bansa sapagkat malaki ang kita ng recruitment agencies at nakikinabang din ang pamahalaan sa mga ibinabayad ng mga manggagawa sa Social Security System, Pag-Ibig, PhilHealth at maging sa Overseas Workers Welfare Administration.
Ani G. Gordon, ang pagtawag ng pamahalaan sa mga umuuwing manggagawa bilang bagong bayani ay isang paraan ng pang-uuto sapagkat hindi naman nakikita ang malawakang tulong ng pamahalaan sa mga problemadong manggagawa tulad ng mga nasa Saudi Arabia na tumatagal ng ilang taon bago makauwi sa Pilipinas.
Kaya umano gumaganda ang credit rating ng Pilipinas sa mga ahensyang tulad ng Moody's, Fitch at Standards and Poor 's ay dahil sa foreign remittances ng milyun-milyong mga Filipino.
Ang pinakamalaking halagang ipinadadala sa Pilipinas ay mula sa Estados Unidos.
Ayon kay Mel Nuqui ng hindi lahat ng mga may sertipikong manggagawang umaalis ng bansa ang tunay na nakapagsasanay sa TESDA sapagkat may mga nakasakay siyang nagsabi ng tumagal lamang ang kanilang pagsasanay sa loob ng kalahating araw.
Malungkot din ang sinapit ng mga kababaihang nagtungo sa Japan bilang entertainers sapagkat pinagsanayan nila sa Pilipinas ang ballet at mga sayaw na pang kultura subalit pagdating naman sa Japan ay naging tagapagbili ng aliw sa mga matatandang Hapones.
Umabot umano sa 80,000 ang mga Filipinang mula 17 hanggang 18 taong gulang na nagtungo sa Japan. Ang masakit pa nito ay mga magulang at kamag-anak pa ang nagtulak sa kanilang magtungo sa Japan upang maghanapbuhay.
Para kay Dr. Benny Vicente, dating director ng National Center for Mental Health, sa mga unang linggo ng isang manggagawa sa ibang bansa ay makikita ang kanyang kasayahan sapagkat bagong pook ang kanyang kinalalagyan. Subalit sa paglipas ng panahon, unti-unti itong nababago at nauuwi sa pressure mula sa trabaho kaya't natural na magkaroon ng depression.
Madaragdagan pa ito kung hindi na papayagan ang manggagawa na makagamit ng mobile phone o tablet. Masaya ang mga manggagawa sa mga lipunang bukas sapagkat may komunikasyong namamagitan sa manggagawa at pamilya.
Ang overseas employment ang pinagmumulan ng depression.
Binanggit ni G. Gordon na bagama't ang paglalakbay ay isang karapatan ng manggagawa, nararapat lamang sumailalim sa HIV testing ang mga manggagawa upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na karamdaman. Isa umano sa mga dahilan ng pagtaas ng HIV sa Pilipinas ang pag-uwi ng ilang mga manggagawang may taglay na karamdamang ito.
Iminungkahi niya na magkaroon ng pagsubok sa mga umuuwing manggagawang Filipino upang mabatid kung ligtas sila sa anumang karamdaman.
Lahat silang apat ay naniniwalang magpapatuloy ang paglabas ng mga manggagawa patungo sa iba't ibang bansa sapagkat hindi kaya ng pamahalaan na mag-alok ng trabaho sa milyun-milyong walang trabaho at mga kinikilalang underemployed.
Magpapatuloy ang sapilitang migrasyon sapagkat mahihirapang magkaroon ng angkop na hanapbuhay para sa mga manggagawang naghahanap ng trabaho. Higit na sa 12 milyong Filipino ang nasa iba't ibang bansa.
Noong nakalipas na 2014, umabot sa halos US$ 30 bilyong dolyar ang naipadalang salapi ng mga manggagawa sa iba't ibang bahagi ng daigdig.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |