|
||||||||
|
||
Sa magkasamang pagtataguyod ng Tsina at Malaysia, idinaos sa Malaysia ang Ika-apat na Pagsasanay sa Pagliligtas sa Kalamidad ng ASEAN Regional Forum (ARF) mula ika-24 hanggang ika-29 ng buwang ito. Lumahok dito ang mahigit 3,000 kinatawan mula sa 21 sa 27 miyembro ng ARF, at walong organisasyong panrehiyon at pandaigdig. Binubuo ito ng mga ensayo ng paghahanap at pagliligtas sa karagatan at lupa.
Kaugnay nito, ipinalabas ngayong araw ng People's Daily, isa sa mga diyaryo na may pinakamalaking sirkulasyon sa Tsina, ang isang artikulo.
Anang artikulo, ito ang kauna-unahang pagkakataon na sa ibayong dagat ay itinaguyod ng Tsina ang pagsasanay sa paghahanap at pagliligtas sa kapahamakan.
Anito pa, kumpara sa lumalalim na pagtutulungang pangkabuhayan ng Tsina at mga kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), kailangan pang pahigpitin ng dalawang panig ang kanilang pagtutulungang panseguridad.
Sinipi rin ng artikulo ang paninindigan dito ni Zhang Jie, dalubhasa ng Chinese Academy of Social Sciences. Sinabi ni Zhang na ang isyu ng South China Sea ay nakakaepekto sa pagtutulungang panseguridad ng Tsina at ilang bansang ASEAN, pero, ang magkasamang pagtataguyod ng Tsina at Malaysia ng pagsasanay sa paghahanap at pagliligtas ay nagpapakita ng kahandaan ng pagtutulungan dito ng Tsina at mga bansang ASEAN.
Ang ARF ay isang pangunahing mekanismong panseguridad. Ang pagsasanay sa pagliligtas sa kapahamakan ay pangunahing proyekto sa di-tradisyonal na larangang panseguridad sa ilalim ng ARF. Idinaraos ito bawat dalawang taon.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |