Patuloy na nag-usap hanggang kahapon ang iba't ibang panig sa talastasan hinggil sa isyung nuklear ng Iran, para marating sa lalong madaling panahon ang komprehensibong kasunduan hinggil sa isyung ito. Ayon sa pagsisiwalat, nagkaisa na ng palagay ang iba't ibang panig hinggil sa karamihan sa mga nilalaman ng kasunduan at annex nito, at ang hindi pa nalulutas na isyu ay kung aalisin o hindi ang arms embargo sa Iran.
Sa preskong idinaos kahapon, inilahad ni Ministrong Panlabas Sergey Lavrov ng Rusya ang paninindigan ng kanyang bansa na alisin sa lalong madaling panahon ang arms embargo sa Iran, bilang pasimula ng pagpapawalang-bisa ng komunidad ng daigdig sa mga sangsyon laban sa bansang ito. Aniya, ang pag-aalis ng arms embargo sa Iran ay makakabuti sa pagpapalakas ng kakayahan nito sa paglaban sa mga grupong teroristiko sa rehiyon na gaya ng Islamic State.
Sa kanya namang pakikipagtagpo kahapon kay Pangulong Hassan Rouhani ng Iran, sinabi ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya na kailangang magbigayan ang iba't ibang panig, para matamo ang pinal na progreso sa nabanggit na talastasan.
Nang araw ring iyon, nag-usap sa telepono sina John Kerry, Kalihim ng Estado ng Amerika, at Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina, at nagpalitan sila ng palagay hinggil sa ilang naiiwang isyu sa talastasan sa isyung nuklear ng Iran.
Sinabi rin ni Kerry sa ibang okasyon na patuloy na magtatalastasan ang iba't ibang panig hinggil sa mga mahirap na isyu, pero hindi aniya hahaba pa ang talastasang ito. Aniya pa, kung hindi maaaring gumawa ng desisyon ang iba't ibang panig hinggil sa mga mahirap na isyu, nakahanda ang Amerika na bigyang-wakas ang talastasan.
Salin: Liu Kai