Mula ika-8 ng buwang ito hanggang kamakalawa, nasa Ufa, Rusya, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, para sa Ika-7 Pulong ng mga Lider ng Brazil, Rusya, Indya, Tsina, at Timog Aprika (BRICS), at Ika-15 Pulong ng Council of Heads of State ng Shanghai Cooperation Organization (SCO).
Kaugnay nito, sinabi ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na ang pagdalo ng Pangulong Tsino sa naturang dalawang pulong ay nagpakita ng konstrutibong papel ng Tsina para sa pag-unlad ng BRICS at SCO. Ito rin aniya ay nagpalalim ng estratehikong pagtitiwalaan ng Tsina at iba pang kasaping bansa ng dalawang organisasyong ito.
Dagdag pa ni Wang, ang BRICS at SCO ay kapwa mekanismo ng multilateral na kooperasyon at plataporma ng pagkakaisa ng mga bagong-sibol at umuunlad na bansa. Aniya, sa pamamagitan ng naturang dalawang pulong, ibayo pang mapapalalim ang pag-unlad at pagtutulungan ng dalawang nasabing mekanismo, mapapasulong ang mga konkretong proyektong pangkooperasyon, at mapapangalagaan ang pandaigdig na kaayusan na ang nukleo ay United Nations.
Salin: Liu Kai