Patuloy na nagtitipun-tipon ngayon sa harapan ng Dieta ng Hapon ang libu-libong mamamayang Hapones, bilang pagtutol sa pagpapatibay ng Mababang Kapulungan ng Dieta sa bagong Batas na Panseguridad at Pandepensa.
Kabilang sa mga protester ay mga iskolar at grupong laban sa digmaan. Sinabi nilang ang pagpapatibay ng naturang batas ay salungat sa paninidigang pandepensa na iniharap ng Hapon pagkatapos ng World War II. Umaasa silang isasaalang-alang ng pamahalaan ang hangarin ng mga mamamayan ng Hapon at mga kapitbansa para sa kapayapaan, at hindi tatalikuran ang pangako sa pagwawaksi ng digmaan.
Samantala, pinuna naman ng komunidad ng daigdig ang pamahalaang Hapones sa pagpapatibay ng nabanggit na batas na magbibigay ng kapangyarihan sa bansa na maglunsad ng digmaan. Ipinalalagay ng mga opisyal, iskolar, at media ng Timog Korea, Thailand, Kambodya, Indonesya, Amerika, Britanya, Pransya, at iba pa, na ang aksyong ito ay paglabag sa mapayapang Konstitusyon ng Hapon, at nagsisilbing banta sa seguridad ng buong rehiyong ito.
Salin: Liu Kai