Sa darating na Oktubre, magpupulong ang liderato ng Tsina para balangkasin ang ika-13 panlimahang taong pambansang plano ng Tsina na tatagal mula 2016 hanggang 2020.
Ipinalalagay ng mga tagapag-analisa na batay sa mga talumpati ni Pangulong Xi Jinping at iba pang mga lider ng Tsina, itatampok sa isasagawang pambansang plano ang kalidad ng pag-unlad.
Ipinagdiinan ni Xi na sa ilalim ng New Normal, kasalukuyang pamamaraan ng pagpapaunlad ng kabuhayan ng Tsina, ipinauuna ng bansa ang pagpapasulong ng kalidad ng pambansang kaunlaran sa pamamagitan ng katamtamang-bilis na paglaki. Dagdag pa niya, ipinauuna rin ng Tsina ang pagpapabuti ng estruktura ng kabuhayan ng bansa. Bukod dito, pinahahalagahan din ang papel ng mga indibiduwal at bahay-kalakal sa inobasyon para mapalago ang kabuhayan, sabi pa ni Xi.
Ipinahayag din ni Pangulong Xi ang paniniwalang patuloy na susulong ang kabuhayan ng Tsina. Ipinagdiinan niyang ang lahat ng ginagawa at gagawin ng pamahalaang Tsino hinggil sa pagpapaunlad ng kabuhayan ay para mapahusay ang paglilingkod sa mga mamamayan at mapataas ang lebel ng pamumuhay ng sambayanang Tsino.
Ayon sa mga tagapag-analisa, ang nasabing mga esensya na binanggit ni Pangulong Xi ay inaasahang mababasa sa ilalabas na ika-13 panlimahang taong pambansang plano ng Tsina (2016-2020).
Salin: Jade