ISANG militanteng grupo ang tumuligsa sa napakaagang pangangampanya ni Secretary Manuel Roxas II at mga pinaniniwalaang mga kandidato sa pagkasenador na sina Justice Secretary Leila de Lima at Metro Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino.
Ayon kay Renato Reyes, chairman ng Bagong Alyansang Makabayan, si Roxas at mga kasama ay nararapat nang magbitiw sa kanilang posisyon bago umikot sa bansa at mangampanya.
Sa isang pahayag, sinabi ni G. Reyes na kung hindi rin mapipigil si G. Roxas at mga kasama sa pangangampanya, mas makabubuting magbitiw na sila sa kanilang mga puwesto.
Inilabas ni G. Reyes ang pahayag matapos sumama sina Secretary De Lima at Chairman Tolentino kay Pangulong Aquino sa isang pagtitipon sa Cebu City noong Lunes. Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Aquino na itinataguyod niya ang kandidatura ni G. Roxas.