DUMALAW ang pinuno ng United States Pacific Command Admiral Harry B. Harris, Jr. sa Campo Aquinaldo at sinalubong ni General Hernando Iriberri, Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines kasunod ng full military honors sa harap ng AFP General headquarters.
Nagpulong ang dalawang pinuno hinggil sa mga isyung may kinalaman sa seguridad sa rehiyon dulot ng mga nakalipas na trahedya at ang mga isyung may kinalaman sa karagatan. Pinag-usapan din ang pinakahuling US Defense Department Asia Pacific Strategy Report na lumabas kamakailan.
Napapaloob sa ulat ang pamamaraan ng United States Department of Defense strategy hinggil sa maritime security sa Asia-Pacific Region. Kinilala ang kahalagahan ng Asia-Pacific region at maritime domain para sa seguridad ng Estados Unidos. Kabilang ito ang kalayaang makapaglayag at pagpigil sa anumang kaguluhan at pananakot at pagsusulong ng international law upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon tulad na naranasan sa nakalipas na 70 taon.
Palalakasin ang US military capacity upang matiyak na mapipigil ang kaguluhan at makatugon sa pinakamadaling panahon sa anumang pangangailangan, pakikipagtulungan sa mga kaalyado at kabalikat sa hilagang silangan Asia hanggang sa Indian Ocean upang mapigil ang anumang problema sa karagatan at maisulong ang military diplomacy upang maghari ang transparency at mabawasan ang miscalculation. Layunin ding mapalakas ang regional security institutions at maisulong ang pagpapayabong ng bukas at mabisang regional security architecture.
Si Admiral Harris ang dating Commander ng US Pacific Fleet. Mayroong matatag na pagtutulungan ang Pilipinas at Estados Unidos sa larangan ng sandatahang lakas at higit na napapayabong sa pagpapalitan ng pagdalaw ng senior military leaders sa nakalipas na ilang buwan.