Sa Beijing — Sa kanyang pakikipagtagpo kahapon kay Choummaly Sayasone, Pangkalahatang Kalihim ng Lao People's Revolutionary Party (LPRP) at Pangulo ng Laos, sinabi ni Xi Jinping, Pagkalahatang Kalihim ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Pangulo ng bansa, na ang Tsina at Laos ay kapwang nabiktimang bansa sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WWII). Magkasama aniyang nagsikap ang dalawang bansa sa proseso ng paglaban sa mga mananalakay, at paghahanap ng pagsasarili ng nasyon. Ani Xi, nakahanda ang Tsina na magsikap kasama ng iba't-ibang bansa sa daigdig na kinabibilangan ng Laos, para makapagbigay ng mas malaking ambag para sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon at buong daigdig.
Lubos ding pinapurihan ng Pangulong Tsino ang relasyon ng dalawang partido at bansa. Ipinagdiinan ni Xi ang kahandaan na magsikap kasama ng Laos upang malalimang mapasulong ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa. Umaasa aniya ang Tsina na patuloy na mapapalalim ng dalawang panig ang kanilang pagtutulungan sa mga multilateral na mekanismong gaya ng UN, Tsina at ASEAN, ASEAN at Tsina, Hapon at Timog Korea, Great Mekong Subregion (GMS), at iba pa.
Binigyan naman ni Choummaly Sayasone ng lubos na papuri ang napakalaking ambag na ginawa ng mga mamamayang Tsino sa WWII. Ipinahayag din niya ang lubos na pagsang-ayon sa mungkahi ni Pangulong Xi tungkol sa relasyon ng dalawang bansa, at pagpapasulong ng komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa. Umaasa siyang patuloy na mapapanatili ng dalawang bansa ang pagdadalawan sa mataas na antas, at mapapalakas ang kanilang pagkokoordinahan at pagtutulungan sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig.
Salin: Li Feng