Sa 2015 Summer Davos na ipininid kahapon sa Dalian, Tsina, binigyan ng mga kalahok ng positibong pagtasa ang kasalukuyang kalagayan at kinabukasan ng kabuhayang Tsino.
Sinabi ni Lin Yifu, ekonomista ng Peking University, na hindi magaganap ang malaking pagbabago sa mga paborableng elemento ng kabuhayan at lipunan ng Tsina, at ito ay garantiya sa matatag na pag-unlad ng kabuhayang Tsino. Ipinahayag din ni Lin ang lubos na pananalig sa pagsasakatuparan ng target ng 7% paglaki ng kabuhayang Tsino.
Sinabi naman ni Zhang Xiaoqiang, pangalawang puno ng China Center for International Economic Exchanges, na ang mga inobasyon sa teknolohiya at negosyo na nagaganap ngayon sa Tsina ay nagdudulot ng mas maraming trabaho at konsumo. Ito aniya ay pangunahing lakas na tagapagpasulong sa paglaki ng kabuhayang Tsino.
Ipinalalagay naman ni Zhu Min, Deputy Managing Director ng International Monetary Fund, na ang aktuwal na kalagayan ng kabuhayan ay mas mahalaga kaysa numero ng paglaki ng GDP. Sinabi ni Zhu na sa kasalukuyan, umuunlad pa ang sektor ng serbisyo ng Tsina, dumarami ang hanapbuhay, at muling natatamo ang pagkabalanse sa kabuhayan. Ang mga ito aniya ay nagpapakitang maganda ang pagbabago sa estrukturang pangkabuhayan ng Tsina, at malusog ang kabuhayang Tsino.
Salin: Liu Kai