Sa kanyang pakikipagtagpo kahapon sa New York kay Philip Hammond, Ministrong Panlabas ng Britanya, sinabi ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina na sa paanyaya ni Queen Elizabeth II ng Britanya, isasagawa sa susunod na buwan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang dalaw-pang-estado sa Britanya. Ito aniya ay isang historikal na pagdalaw, at ito rin ay pinakamahalagang pangyayari sa relasyong Sino-Britaniko sa taong ito. Ani Wang, ang gaganaping pagdalaw ng Pangulong Tsino ay makakapagbigay ng direksyon ng pag-unlad ng relasyong Sino-Britaniko sa hinaharap, at ng pangmalayuang plano para sa kooperasyon ng dalawang bansa sa iba't-ibang larangan.
Dagdag pa ni Wang, dapat magkasamang magsikap ang dalawang panig para maigarantiya ang pagtatamo ng pagdalaw ng kasiya-siyang tagumpay at mabungang resulta.
Sinabi naman ni Hammond na lubos na inaasahan ng panig Britaniko ang nasabing pagdalaw ni Xi. Umaasa aniya siyang sa pamamagitan ng biyaheng ito, mapapataas ang lebel ng relasyon ng dalawang bansa, at mapapasulong ang kooperasyon ng dalawang bansa sa mga bilateral na larangang gaya ng kabuhayan at kalakalan, pinansya, pamumuhunan, at konstruksyon ng imprastruktura.
Salin: Li Feng