Idinaos kahapon sa New York ng Ika-70 United Nations General Assembly (UNGA) ang mataas na debatehan hinggil sa pangangalaga sa pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan.
Sinabi sa debatehan ni Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng UN, na sa harap ng mga lumilitaw na bagong hamon sa daigdig na gaya ng pagbabago ng klima, cyber crime, nakahahawang sakit, at iba pa, ang UN Charter ay mananatiling pundasyon para sa komong progreso ng iba't ibang bansa. Nanawagan din siya sa komunidad ng daigdig, na ibayo pang pahalagahan ang pag-iwas sa sagupaan, mapayapang lutasin ang hidwaan, palakasin ang usaping pangkapayapaan, at aktibong harapin ang pinag-uugatan ng sagupaan.
Sinabi naman ni Pangulong Mogens Lykketoft ng UNGA, na umiiral pa rin sa daigdig ang mga hidwaan, at apektado ang maraming sibilyan. Aniya, sa harap ng kalagayang ito, dapat gumawa ang UN ng mas malaking pagsisikap, para patuloy na sumulong ang daigdig patungo sa mga hangaring nakalakip sa UN Charter.
Sa kanya namang talumpati sa debatehan, nanawagan sa komunidad ng daigdig si Liu Jieyi, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, na makintal sa isip ang nakaraan, para pasulungin ang pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan. Sinabi ni Liu na mula sa mga aral na napulot sa kasaysayan, napagtanto ng mga tao ang kahalagahan ng kapayapaan. Aniya pa, ang pag-alaala ng kasaysayan ay angkop din sa layon ng UN Charter na hindi mauulit ang mga digmaan.
Salin: Liu Kai