Sa Kuala Lumpur, Malaysia—Magkahiwalay na nakipagtagpo dito kahapon si Yang Xiuping, Pangkalahatang Kalihim ng ASEAN-China Centre (ACC), kina Muhammad Shahrul Ikram Yaakob, Director-General ng ASEAN-Malaysia National Secretariat ng Ministring Panlabas ng Malaysia at Astanah Abdul Aziz, Deputy Director-General ng nabanggit na sekretaryat at ASEAN Co-chair ng Joint Council ng ACC. Nagpalitan sila ng kuru-kuro tungkol sa relasyong Sino-Malay, relasyon ng Tsina at ASEAN, at iba pa.
Sinabi ni Yang na ang Tsina at Malaysia ay matapat na magkaibigan, partner na may tiwala sa isa't isa, partner na may mutuwal na kapakinabangan, at may win-win na relasyon. Sa kasalukuyan, mainam aniya ang pag-unlad ng komprehensibo't estratehikong partnership ng Tsina at Malaysia, at mabungang mabunga ang kanilang pragmatikong kooperasyon. Aniya pa, nagpupunyagi ang ACC para mapasulong ang pragmatikong kooperasyon ng Tsina at ASEAN sa mga larangang gaya ng kalakalan, pamumuhunan, edukasyon, kultura, turismo at iba pa. Nakahanda aniya ang ACC na makipagkoordina sa Ministring Panlabas ng Malaysia, para aktibong sumali sa mga aktibidad bilang pagdiriwang sa ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyon ng diyalogo ng Tsina at ASEAN, at walang humpay na pataasin ang lebel ng relasyong Sino-Malay, at relasyon ng Tsina at ASEAN.
Kapuwa ipinahayag naman nina Shahrul at Astanah na mahigpit at mapagkaibigan ang relasyong Sino-Malay. Itinuturing anila ng ASEAN ang Tsina na isa sa mga pinakamahalagang dialogue partner. Kakatigan anila ng kanilang ministri, tulad ng dati, ang ACC, at inaasahang mapapatingkad ang mas malaking papel para sa pagpapasulong ng kooperasyong pangkaibigan ng Tsina at ASEAN.
Salin: Vera