Ipinahayag ngayong araw ni Yin Zhuo, beteranong rear admiral ng hukbong pandagat ng Tsina, na ang paglalayag ng Amerikanong bapor pandigma sa karagatang malapit sa Zhubi Reef ng Tsina sa South China Sea ay paghamon ng Amerika, sa pamamagitan ng malakas na armadong puwersa nito, sa soberanya at jurisdiction ng Tsina sa kinauukulang rehiyong pandagat. Ito aniya ay aksyon ng hegemonismo.
Sinabi rin ni Yin na pinaninindigan ng Amerika ang karapatan hinggil sa "innocent passage" ng mga bapor militar at pansibilyan ng isang bansa sa territorial waters ng ibang bansa. Pero aniya, ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea at Convention on the High Seas, walang ganitong karapatan para sa mga bapor militar, at ang may kinalamang tadhana ay "hindi dapat pumasok ang bapor militar ng isang bansa sa territorial waters ng ibang bansa, kung walang pahintulot ng bansang ito." Kaya, ani Yin, ang nabanggit na ginawa ng panig Amerikano ay walang batayan sa pandaigdig na batas.
Dagdag ni Yin, ang lubos na panghihimasok ng Amerika sa isyu ng South China Sea ay naglalayong sirain ang kooperasyon at integrasyong pangkabuhayan sa rehiyong ito. Aniya pa, sa pamamagitan ng aksyong ito, gusto ring ipakita ng Amerika na ito pa rin ang namumuno sa mga suliranin sa Asya-Pasipiko, at maging sa buong daigdig.
Salin: Liu Kai