Sa kabila ng maraming beses na representasyon at buong tatag na pagtutol ng Pamahalaang Tsino, ipinadala kamakalawa ng panig Amerikano ang bapor pandigma sa rehiyong pandagat ng Nansha Island sa South China Sea. Kaugnay nito, ipinahayag ngayong araw ni Tagapagsalita Yang Yujun ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na pinayuhan ng panig Tsino ang panig Amerikano na huwag tahakin pa ang maling landas. Aniya, kung kikilos ang panig Amerikano ayon sa sariling kagustuhan, isasagawa ng panig Tsino ang lahat ng kinakailangang hakbangin batay sa pangangailangan.
Tinukoy ni Yang na sa mula't mula pa'y iginagalang ng panig Tsino ang pagkakaroon ng iba't-ibang bansa ng kalayaan sa paglilipad at paglalayag alinsunod sa pandaigdigang batas. Ngunit, tinututulan ng panig Tsino ang pagkapinsala ng ilang bansa sa soberanya at kapakanang panseguridad ng mga bansa sa kahabaan nito, sa katwiran ng kalayaan ng paglalayag, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng