Nagkaroon kagabi ng video conference sina Wu Shengli, Komander ng Hukbong Pandagat ng Tsina, at kanyang counterpart na Amerikano na si John Richardson, hinggil sa paglalayag kamakailan ng bapor pandigma ng Amerika sa rehiyong pandagat, sa loob ng 12 nautical miles ng Zhubi Reef ng Tsina sa South China Sea.
Nagpahayag si Wu ng lubos na pagkabahala sa pangyayaring ito. Aniya, ang naturang mapanganib at probokatibong aksyon ng panig Amerikano ay nagbabanta sa soberanya at seguridad ng Tsina, at nakakapinsala rin sa kapayapaan at katatagan ng rehiyong ito. Dagdag niya, batay sa Code for Unplanned Encounters at Sea, ilang beses na nagpalabas ng babala ang bapor ng hukbong pandagat ng Tsina, habang naglalayag ang naturang bapor ng Amerika. Pero aniya, ang mga ito ay pinagwalang-bahala ng panig Amerikano.
Binigyang-diin din ni Wu na sa kasalukuyan man o sa hinaharap, walang problema sa malayang paglalayag sa South China Sea. Aniya, ang naturang aksyon ng Amerika ay paggamit lamang ng isyung ito bilang pangangatwiran, para lapastanganin ang interes ng Tsina. Hinimok niya ang Amerika na huwag ulitin ang ganitong aksyon, kung hindi, isasagawa ng panig Tsino ang lahat ng mga kinakailangang hakbangin, para pangalagaan ang sariling soberanya at seguridad.
Salin: Liu Kai