Ipinalabas kamakailan ng Market News International (MNI), isang ahensiya ng Alemanya na nagkakaloob ng impormasyon hinggil sa pandaigdig na pamilihang pinansyal, ang confidence index ng mga bahay-kalakal na Tsino noong Oktubre. 55.6 ang indeks na ito na mas malaki kaysa 51.3 noong Setyembre, at ito ay pinakamalaking pagtaas ng indeks na ito mula noong Marso ng 2011.
Bakit mas malakas ang kompiyansa ng mga bahay-kalakal na Tsino? Ipinalalagay ng MNI na tatlo ang mga dahilan.
Una, isinagawa ng pamahalaang Tsino ang mga proaktibong monetary at financial policy na gaya ng limang beses na pagpapababa ng deposit at loan interest rate, at deposit reserve rate. Ang pagbaba ng cost para sa pagkuha ng utang ay makakabuti sa negosyo ng mga bahay-kalakal.
Ikalawa, isinagawa ng pamahalaang Tsino ang mga hakbangin, upang lumikha ng mas paborableng kapaligiran para sa pag-unlad ng mga bahay-kalakal. Ang mga hakbanging ito ay kinabibilangan ng pagbawas ng buwis ng mga small and micro business, ibayo pang pagpapasimple ng market access, at iba pa.
At ikatlo, dahil sa pagpapasulong ng economic transition, isinasagawa ng lumang industriya ng manupaktura ng Tsina ang inobasyon na gaya ng bagong teknolohiya, bagong produkto, at bagong negosyo. Ito rin ay nagpalakas ng kompiyansa ng mga bahay-kalakal.
Sinabi ni Philip Uglow, Punong Ekonomista ng MNI, na dumaan na ang mga bahay-kalakal na Tsino sa pagsubok ng pinakamahigpit na hamon sa taong ito. Ayon sa kanyang pagtaya, kasunod ng patuloy na pagpapatingkad ng papel ng naturang mga patakaran at hakbangin, lilinaw pa ang positibong signal, at magiging mas maganda ang prospek ng kabuhayang Tsino.
Salin: Liu Kai