Sa Nanning, Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi ng Tsina—Binuksan dito ngayong araw ang Ika-3 ASEAN+3 Village Leaders Exchange Program. Lumahok ang mga opisyal ng pamahalaan, barangay lider, dalubhasa at iskolar mula sa Tsina, Pilipinas, Kambodya, Laos, Thailand, Myanmar, Biyetnam, Malaysia, Singapore, Indonesia, at Brunei, at kinatawan ng Sekretaryat ng ASEAN sa naturang 7-araw na aktibidad ng pagpapalitan. Magkakasama nilang tatalakayin ang natamong bunga at karanasan ng pag-unlad ng kanayunan at pagbabawas ng kahirapan sa nakabababang yunit. Maglalakbay-suri rin sila sa mga proyekto ng Guangxi hinggil sa agrikulturang ekolohikal, paglalakbay sa kanayunan, at iba pa.
Ipinahayag ni Huang Chengwei, Pangalawang Direktor ng International Poverty Reduction Center ng Tsina, na umaasa siyang sa pamamagitan ng nasabing aktibidad, mapapalalim ng iba't ibang bansa ang estratehikong partnership na pangkooperasyon, lubos na magpapalitan ng karanasan sa aspekto ng pagpapaunlad ng kabuhaya't lipunan ng kanayunan, at maghahanap ng mas mabisang paraan ng pagbabawas ng kahirapan batay sa paghihiraman ng karanasan sa isa't isa. Ito ay upang maisakatuparan ang koordinadong pag-unlad, mutuwal na kapakinabangan at win-win situation ng rehiyong ito.
Salin: Vera