Kaugnay ng 6 na mungkahi hinggil sa kooperasyong Sino-ASEAN na iniharap ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa katatapos na ASEAN-China Summit, ipinahayag noong Martes ng ilang ekspertong Tsino sa isyu ng Tsina at ASEAN, na pinaliwanag ng naturang mga mungkahi ang direksyon ng pag-unlad ng relasyong Sino-ASEAN. Anila, ang pag-uugnaying mga estratehiyang pangkaunlaran ng Tsina at mga bansang ASEAN ay magiging pundasyon ng kanilang kooperasyon sa hinaharap.
Ipinalalagay ni Han Feng, eksperto ng Chinese Academy of Social Sciences, na sa pamamagitan ng mga mungkahi ng premier Tsino, pagsasamahin ang mga kooperasyon ng Tsina at mga bansang ASEAN sa iba't ibang aspekto, at sa bilateral at subrehiyonal na antas. Sa gayon aniya, magiging mas komprehensibo ang kooperasyong Sino-ASEAN, at mas maliwanag ang priyoridad ng kooperasyong ito.
Sinabi naman ni Wei Ling, eksperto ng China Foreign Affairs University, na pagkaraang itatag ang ASEAN Community, ibayo pang pasusulungin ng ASEAN ang mga mahalagang usapin nito na gaya ng connectivity. Ipinalalagay niyang puwedeng i-ugnay ng ASEAN ang usaping ito sa "Belt and Road" Initiative ng Tsina. Aniya, ang kooperasyon sa aspektong ito ay mahalaga para sa kapwa Tsina at ASEAN, at magdudulot ng win-win result.
Salin: Liu Kai