Pumasok kahapon sa yugto ng pulong ministeryal ang United Nations Climate Change Conference, na idinaraos sa Paris, Pransya. Inilahad ng iba't ibang panig ang kani-kanilang paninindigan sa paglaban sa pagbabago ng klima.
Bilang kinatawan ng Unyong Europeo (EU), ipinahayag ni Carole Dieschbourg, Ministro ng Kapaligiran ng Luxembourg, na mula noong 1990 hanggang sa kasalukuyan, nabawasan ng EU ang 23% ng bolyum ng emisyon ng greenhouse gas. Ipinatalastas niyang isang bagong target ang itinakda ng EU na mula ngayon hanggang taong 2030, 40% ng bolyum ng emisyon ang mababawasan.
Sa ngalan naman ng mga small island countries, tinukoy ni Thoriq Ibrahim, Ministro ng Kapaligiran at Enerhiya ng Maldives, na nitong isang taong nakalipas, pinagbantaan ng walang katulad na likas na kapahamakan ang mga small island countries, kaya dapat isagawa ang malakas na aksyon bilang tugon. Binigyang-diin niyang hindi sapat ang inisyal na target na kontrulin sa 2 degree Celsius ang pagtaas ng karaniwang temperatura sa daigdig. Aniya, ang target na 1.5 degree Celsius ay dapat itakda sa kasalukuyang pulong.
Bilang kinatawan naman ng G77 at China, grupong binubuo ng 134 na umuunlad na bansa, sinabi ni Nozipho Mxakato-Diseko, Puno ng G77, na ang principle of equity, principle of respective capability, at principle of common but differentiated responsibilities, ay mga prinsipyong dapat igiit ng iba't ibang panig. Nanawagan siya sa mga maunlad na bansa na tupdin, bago ang taong 2020, ang pangako hinggil sa pagkakaloob ng 100 bilyong Dolyares sa mga ummunlad na bansa, para sa paglaban sa pagbabago ng klima.
Salin: Liu Kai