Sa Wuzhen, Zhejiang ng Tsina — Binuksan dito, Miyerkules ng umaga, Disyembre 16, 2015, ang Ika-2 World Internet Conference. Dumalo at bumigkas ng talumpati sa seremonya ng pagbubukas si Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Ipinalalagay ng opinyong publiko na ito ang kauna-unahang pagkakataon na komprehensibo at sistematikong inilahad ni Pangulong Xi ang tungkol sa internet sa bukas na okasyon.
Sa kanyang talumpati, iniharap ng Pangulong Tsino ang malinaw na target ng pagpapaunlad ng internet sa bansa. Sinabi niya na sa panahon ng Ika-13 Panlimahang-Taong Plano, puspusang isasagawa ng Tsina ang estratehiyang gaya ng pagpapalakas ng bansa sa pamamagitan ng internet, pagpapaunlad ng positibong internet culture, pagpapalawak sa espasyong pangkabuhayan sa internet, at pagpapasulong sa maharmoniyang pag-unlad ng internet, kabuhayan, at lipunan. Aniya, ang target ng pagpapaunlad ng Tsina sa internet ay makakapaghatid ng mas malaking benepisyo sa mga mamamayang Tsino.
Ngunit, inamin ni Xi ang mga umiiral na problema at hamon sa larangan ng internet. Tungkol dito, tinukoy niya na kung talagang nais malutas ang mga problemang ito, dapat palakasin ng komunidad ng daigdig ang diyalogo at kooperasyon sa pundasyon ng paggagalangan sa isa't-isa, at pagtitiwalaan. Ito aniya ay naglalayong magkakasamang itatag ang isang mapayapa, ligtas, bukas, at kooperatibong espasyo ng internet, at itatag ang multilateral, demokratiko, at maliwanag na sistema ng pagsasaayos sa internet sa buong daigdig.
Salin: Li Feng