Ipinahayag kahapon, Miyerkules, ika-23 ng Disyembre, 2015 ni Tagapagsalita Hong Lei ng Ministring Panlabas ng Tsina, na makatwiran ang pagbalangkas ng kanyang bansa ng batas laban sa terorismo. Nanawagan siya sa Amerika na igalang ang normal na lehislasyong ito, at huwag isagawa ang double standard sa isyu ng paglaban sa terorismo.
Nauna rito, ipinahayag ng Kagawaran ng Estado ng Amerika ang pagkabahala sa pagsusuri ng lehislatura ng Tsina sa panukalang batas laban sa terorismo. Anito, makakaapekto ang batas na ito sa kalakalan at pamumuhunan ng Amerika sa Tsina, at magdudulot ng restriksyon sa kalayaan sa pagsasalita at kalayaan sa pananampalataya ng Tsina.
Kaugnay nito, sinabi ni Hong na sa kasalukuyan, ang terorismo ay malaking elementong nakakaapekto sa kapayapaan at kaunlaran ng daigdig, at ito ay komong kaaway ng sangkatauhan. Aniya, ang pagbalangkas ng Tsina sa nasabing batas ay para pangalagaan ang katiwasayan at kaligtasan ng bansa at mga mamamayan, at isabalikat ang pandaigdig na responsibilidad. Dagdag niya, igagarantiya ng pamahalaang Tsino ang pagkabalanse sa pagitan ng paglaban sa terorismo at pangangalaga sa karapatang pantao.
Tinukoy din ni Hong, na bilang tugon sa madalas na paggamit ng mga terorista ng internet para sa pagpaplano at pagsasagawa ng pag-atake, itinatadhana ng mga bansang kinabibilangan ng Amerika sa kani-kanilang batas na dapat magbigay-tulong sa mga law enforcement agency ang mga Internet operator at service provider. Ani Hong, pareho ito sa mga tadhana sa batas laban sa terorismo ng Tsina. Dagdag niya, hindi hihigpitan ng mga tadhanang ito ang lehitimong takbo ng mga bahay-kalakal, at hindi rin lalapastanganin ang property rights ng mga bahay-kalakal o kalayaan sa pagsasalita ng mga netizen.
Salin: Liu Kai