Pormal na naitatag noong huling araw ng nagdaang taon ang ASEAN Community. Nagpahayag ang Tsina ng mainit na pagtanggap sa pangyayaring ito. Sinabi ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang ASEAN Community ay kauna-unahang subrehiyonal na komunidad sa Asya. Ito aniya ay naging muhon sa integrasyon ng ASEAN, at palatandaan ding tumaas sa bagong antas ang kooperasyon ng Timog-silangang Asya.
Sa kanya namang talumpati sa Singapore noong ika-7 ng nagdaang Nobyembre, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pagkatig ng kanyang bansa sa usapin ng ASEAN Community. Dagdag pa niya, kinakatigan din ng Tsina ang pag-unlad ng ASEAN, at namumunong papel nito sa rehiyonal na kooperasyon sa Silangang Asya.
Iniharap din ng Tsina ang mga konkretong hakbangin, para pag-ugnayin ang estratehiyang pangkaunlaran ng bansa at usapin ng ASEAN Community. Kabilang dito ay Silk Road Economic Belt at 21st-Century Maritime Silk Road o "Belt and Road" Initiative, Asian Infrastructure Investment Bank, Silk Road Fund, at iba pa. Ang mga ito ay nagtatampok sa kooperasyon sa imprastruktura at production capacity.
Samantala, kinikilala naman ng ASEAN ang magandang prospek ng kooperasyong Sino-ASEAN. Ipinahayag minsan ni Pangkalahatang Kalihim Le Luong Minh ng ASEAN, na ang Tsina ay isa sa mga pinakamahalagang katuwang ng ASEAN. Aniya, pinakamalakas ang pagkatig ng Tsina sa usapin ng ASEAN Community, at pinaka-komprehensibo ang kooperasyon ng dalawang panig.
Ang taong ito ay ika-25 anibersaryo ng dialogue partnership ng Tsina at ASEAN. Pawang ipinalalagay ng mga dalubhasa ng Tsina at ASEAN, na sa bagong taong ito, dapat puspusang pasulungin ng dalawang panig ang pagtatatag ng upgraded version ng ASEAN-China Free Trade Area, talastasan hinggil sa Regional Comprehensive Economic Partnership, mga proyekto sa aspekto ng regional connectivity, mga programa ng people-to-people exchanges, at iba pa. Anila, palalakasin ng mga ito ang relasyon at kooperasyon ng Tsina at ASEAN, at makikinabang din sa mga ito ang mga mamamayan ng dalawang panig.
Salin: Liu Kai