Bilang pagdiriwang sa pagbubukas ng Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB), isang multilateral bangkong itinaguyod ng Tsina, idinaos, January 17, 2016 sa Beijing ang ribbon-cutting ceremony sa bagong gusali ng punong himpilan ng AIIB. Sa Beijing hapon ng araw ring iyon, idinaos naman ang unang news briefing ng AIIB na dinaluhan ni Jin Liqun, unang Presidente ng bagong bukas na bangko.
Sinabi ni Jin na hanggang nang araw ring iyon, naaprobahan na ng 30 sa 57 prospective founding members ang "AIIB Agreement," at ang kanilang shares ay bumubuo sa mahigit 74% ng kabuuang pondo ng bangko. Ani Jin, tinatanggap pa rin ang mga bagong gustong lumahok sa AIIB. Ang Pilipinas ay isa sa 57 founding members ng AIIB.
Ayon sa AIIB Agreement, magkakabisa ang nasabing kasunduan at opisyal na mabubuo ang AIIB, kung di-kukulangin sa 10 kasapi ang lalagda sa kasunduan at isusumite ang nakasulat na pagsang-ayon. Samantala, ang kabuuang halaga ng kanilang capital stocks ay dapat umabot o lumampas sa 50% ng kabuuang share ng AIIB.
Si Jin Liqun ay nahalal bilang presidente ng AIIB noong ika-24 ng Agosto, 2015. Ang family name ni Jin sa Wikang Tsino ay nangangahulugang "gold," at siya ay isang beteranong banker. Nauna rito, siya ay nanungkulan bilang Pangalawang Ministrong Pinansyal ng Tsina, Pangalawang Presidente ng Asian Development Bank, Tagapangulo ng Supervisory Board ng China Investment Corporation, at Tagapangulo ng Board ng China International Capital Corp.
Salin:wle