Sa taunang pulong ng World Economic Forum (WEF), ipinahayag kahapon, Enero 20, 2016, ni Mohammad Nahavandian, Puno ng Tanggapang Pampanguluhan ng Iran, na kasabay ng unti-unting pag-aalis ng mga sangsyong pandaigdig laban sa Iran, tinatayang lalaki ng mahigit 5% ang kabuhayang Iranyo sa taong 2016 kumpara sa taong 2015. Aniya, may pag-asang aabot sa 8% ang karaniwang bahagdan ng paglaki ng kabuhayan ng bansang ito sa loob ng darating na limang (5) taon.
Noong Enero 16, 2016, opisyal na tinupad ang komprehensibong kasunduan hinggil sa isyung nuklear ng Iran. Sa isang ulat na ipinalabas ng International Atomic Energy Agency (IAEA) sa araw na ito, kinumpirma nito ang pagtatapos ng Iran ng mga kinakailangang paghahanda para sa pagpapatupad ng naturang kasunduan. Pagkatapos nito, ipinatalastas ng Unyong Europeo (EU) at Amerika ang pag-aalis ng may-kinalamang sangsyon laban sa Iran.
Salin: Li Feng