Ayon sa China News Service, isinalaysay kahapon, Pebrero 1, 2016, ni Ma Jixian, Pangalawang Puno ng Departamento ng Komersyo ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi ng Tsina, na noong isang taon, sa kapaligiran ng pagbagal ng pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig, at pagbabawas ng kalakalang pandaigdig, umabot sa halos 32 bilyong dolyares ang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas sa pagitan ng Guangxi at mga bansa sa kahabaan ng "Belt and Road." Ito ay mas malaki ng 40% kumpara sa taong 2014. Nitong nagdaang 15 taong singkad, ang ASEAN ay nagsilbing pinakamalaking trade partner ng Guangxi. Sa pamamagitan ng konstruksyon ng "Belt and Road Initiative," mabilis na sumusulong ang kalakalan sa pagitan ng Guangxi at mga bansang ASEAN.
Ipinahayag din ni Ma na sa kasalukuyan, unti-unting naitatag sa Guangxi ang network sa mga aspektong gaya ng Great Mekong Subregion Cooperation (GMS), Pan-Beibu Gulf Economic Cooperation, Nanning - Singapore Economic Corridor, at Kooperasyon ng mga Port Cities ng Tsina at ASEAN. Aniya, sa susunod na hakbang, sa pagkakataon ng "Belt and Road Initiative," pasusulungin ng Guangxi ang konektibidad ng imprastruktura sa ASEAN.
Salin: Li Feng