Ipinahayag kahapon, Biyernes, ika-26 ng Pebrero 2016, ni Tagapagsalita Hong Lei ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pagpigil sa plano ng Hilagang Korea ng pagdedebelop ng sandatang nuklear at missile ay dapat maging layunin ng bagong resolusyon ng United Nations Security Council. Aniya, ang resolusyon ay hindi dapat makaapekto sa normal na pamumuhay ng mga mamamayan ng H.Korea.
Inulit din ni Hong na kinakatigan ng Tsina ang pagbibigay ng UNSC ng reaksyon sa nuclear at missile test ng H.Korea. Kasabay nito, nanawagan din aniya ang Tsina sa iba't ibang panig na magkakasamang pasulungin ang pagpapanumbalik ng Six-Party Talks, para bumalik sa landas ng talastasan ang isyung nuklear ng Korean Peninsula.
Salin: Liu Kai