Sa preskong idinaos ngayong araw, Marso 8, 2016, ng Ika-4 na Sesyon ng Ika-12 Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC), sinabi ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina na ang kasalukuyang taon ay ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong pandiyalogo ng Tsina at ASEAN. Aniya, nitong 25 taong nakalipas, nakaranas ang relasyong Sino-ASEAN sa iba't-ibang uri ng pagsubok, at natamo nila ang kapansin-pansing bunga. Sa kasalukuyan, nasa isang bagong starting point ang relasyong Sino-ASEAN, at pag-iibayuhin aniya ng Tsina ang pagsasagawa ng ideya ng diplomasyang pangkapitbansa para maitatag ang mas mahigpit na Community of Common Destiny ng Tsina at ASEAN.
Idinagdag pa ni Wang na nakahanda ang panig Tsino na ituring ang ASEAN bilang preperensyal na partner sa apat na aspektong kinabibilangan ng kooperasyong may kinalaman sa Belt and Road Initiative (pinaikling termino ng land-based Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road), kooperasyon ng malayang kalakalan, kooperasyong subrehiyonal na gaya ng Greater Mekong Subregion (GMS), at kooperasyong pandagat, para maisakatuparan ang win-win situation.
Salin: Li Feng