Idinaos kahapon, Marso 9, 2016, ang espesyal na pulong ng Financial and Economic Affairs Committee (FEAC) ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC), Punong Lehislatura ng Tsina para suriin ang tatlong panukalang batas ng pamahalaang Tsino na kinabibilangan ng outline ng panlimahang taong pambansang plano (2016-2020), mga plano ng pambansang kabuhayan at pag-unlad ng lipunan sa taong 2016, at fiscal budget sa taong 2016.
Pinagtibay ng FEAC ang ulat ng resolusyon ng pagsuri sa naturang tatlong panukalang batas at ihaharap ang naturang ulat sa grupong tagapangulo ng ika-4 sesyon ng NPC.
Ayon sa tadhana ng NPC at batas ng fiscal budget, habang idinaraos ang taunang sesyon ng NPC, dapat iharap ng pamhalaang sentral ang nasabing mga panukalang batas ng plano at fiscal budget sa sesyon. At ang pagpasa sa naturang mga panukalang batas ay dapat dumaan sa apat na yugto: una, suriin ng mga delegasyong lokal ng NPC ang mga ito at iharap ang ulat ng pagsusuri sa FEAC; ikalawa, suriin ng FEAC ang mga panukalang batas batay sa ulat ng mga delegasyong lokal, at iharap ang ulat ng resolusyon sa grupong tagapangulo ng sesyon ng NPC; ikatlo, suriin ng grupong tagapangulo ng sesyon ng NPC ang naturang mga panukalang batas bagay sa resolusyon ng FEAC at iharap ang mga panukalang batas sa sesyon; ikaapat, suriin at pagbotohan ng sesyon ng NPC ang mga panukalang batas.
Salin: Ernest