Kaugnay ng isasagawang unilateral na sangsyon ng Timog Korea sa Hilagang Korea, sinabi nitong Miyerkules, Marso 9, 2016, ni Hong Lei, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang unilateral na sangsyon ay hindi makakalutas sa isyung nuklear ng Korean Peninsula.
Sinabi pa ni Hong na sa pagharap sa kasalukuyang masalimuot at sensitibong kalagayan sa Korean Peninsula, umaasa ang panig Tsino na maingat at mahinahong hahawakan ng mga may kinalamang panig ang mga isyu para mapigilan ang paglala ng tensyon sa rehiyong ito.
Kaugnay ng resolusyon ng UN Security Council bilang 2270, sinabi ni Hong na ang resoluyong ito ay hindi lamang kinabibilangan ng mga sangsyon sa Hilagang Korea, kundi nanawagan din sa iba't ibang may kinalamang panig na panumbalikin ang Six Party Talks para lutasin ang mga isyu sa pamamagitan ng diyalogo at talastasan at pangalagaan ang katatagan at kapayapaan ng rehiyong ito.
Sinabi pa ni Hong na tinalakay sa telepono nang araw ring iyon nina Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina, at John Kerry, Kalihim ng Estado ng Amerika, ang hinggil sa relasyong Sino-Amerikano at kasalukuyang kalagayan sa Korean Peninsula.
Salin: Ernest