Magkahiwalay na kinatagpo kahapon, Biyernes, ika-11 ng Marso 2016, sa Moscow, si dumadalaw na Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, nina Pangulong Vladimir Putin at Ministrong Panlabas Sergey Lavrov ng Rusya.
Binigyan ng kapwa panig ng mataas na pagtasa ang kasalukuyang pag-unlad ng relasyon at kooperasyong Sino-Ruso. Ipinahayag nila ang kahandaang ibayo pang pasulungin ang pagkakaibigan at pagtutulungan ng dalawang bansa sa taong ito na ika-15 anibersaryo ng paglalagda ng Treaty of Good-Neighborliness and Friendly Cooperation ng Tsina at Rusya.
Nagpalitan din ng palagay ang dalawang ministrong panlabas hinggil sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig, na gaya ng isyu ng Syria at isyu ng Korean Peninsula. Ipinahayag nilang dapat palakasin ng Tsina at Rusya ang kooperasyon at koordinasyon sa mga suliraning pandaigdig, para magkasamang pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon at daigdig.
Salin: Liu Kai