Sa isang pahayag na ipinalabas ngayong araw, Marso 24, 2016, ni Darren Chester, Ministro ng Imprastruktura at Komunikasyon ng Australia, ipinahayag niya na may malaking posibilidad na ang 2 debris na natagpuan sa Mozambique nitong buwan, ay mula sa Flight MH370 ng Malaysia Airlines. Kinumpirma rin ito nang araw ring iyon, ni Liow Tiong Lai, Ministro ng Komunikasyon ng Malaysia.
Sa pahayag, sinabi ni Chester na ngayong araw, tapos na ang gawain ng pagsusuri sa nasabing 2 piraso. "Sa pamamagitan ng pag-analisa, halos natiyak na ang 2 piraso ay nagmula sa Flight MH370," aniya.
Idinagdag pa niya na patuloy hanggang ngayon ang search operation sa nasabing eroplano. Hanggang sa kasalukuyan, natapos aniya ang underwater search sa 95 libong square kilometers. Ang kasalukuyang pokus ng tungkulin ay tapusin ang gawain ng paghahanap sa nalalabing 25 libong square kilometers, at dapat panatilihin ang pag-asa para makita ang nawawalang eroplano, aniya.
Noong ika-8 ng Marso, 2014, nawala ang Boeing 777-200 aircraft habang lumilipad mula Kuala Lumpur, Malaysia papuntang Beijing, Tsina. Ito ay may sakay na 239 na pasahero at 154 sa mga ito ay Tsino. Noong ika-29 ng Enero ng 2015, ipinatalastas ng Kawanihan ng Abiyasyong Sibil ng Malaysia na bumagsak ang nasabing eroplano, at nasawi ang lahat ng pasahero.
Salin: Li Feng