|
||||||||
|
||
Linggo, ika-3 ng Abril 2016, nagpalabas ng pahayag si Darren Chester, Ministro ng Imprastruktura at Transportasyon ng Australia, na nagsasabing kinukumpirma na ng Malaysia ang kalagayan ng bagong natuklasang pinaghihinalaang piraso ng nawawalang Flight MH 370 ng Malaysia Airlines.
Sinabi ni Chester na nakikipagkooperasyon sa Mauritius ang panig Malaysian para makuha ang nasabing piraso, at isaayos ang imbestigasyon sa pirasong ito. Sa kasalukuyan, hindi pa sigurado kung ito ay galing sa MH370.
Sapul nang mawala ang Flight MH370, palagiang nangunguna ang Australia sa paghahanap ng nasabing eroplano sa South Indian Ocean. Ayon kay Chester, tinatayang matatapos ang paghahanap hanggang sa kalagitnaan ng taong ito.
Ayon pa sa ulat ng media ng Mauritius noong Sabado, ika-2 ng Abril, sinabi ng isang mag-asawa noong ika-31 ng Marso na natuklasan nila ang pinaghihinalaang piraso habang naglalakad sa dalampasigan ng Rodrigues Island. Pero hanggang sa kasalukuyan, hindi pa inilalabas ng pamahalaan ng Mauritius ang pahayag tungkol dito.
Noong ika-8 ng Marso, 2014, nawala ang Boeing 777-200 aircraft habang lumilipad mula Kuala Lumpur, Malaysia papuntang Beijing, Tsina. Ito ay may sakay na 239 na pasahero at 154 sa mga ito ay Tsino. Noong ika-29 ng Enero ng 2015, ipinatalastas ng Kawanihan ng Abiyasyong Sibil ng Malaysia na bumagsak ang nasabing eroplano, at nasawi ang lahat ng pasahero.
Noong nagdaang Hulyo, natuklasan ang piraso ng labi ng MH370 sa Reunion Island, at pagkaraan ng isang buwang pagsusuri, ito ay kumpirmadong nagmula sa nasabing eroplano. Ang mga piraso ng labi na natuklasan sa Mozambique at Reunion Island noong unang dako ng kasalukuyang buwan ay ipinadala na sa Australia para sa pagsusuri.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |