|
||||||||
|
||
Beijing, Huwebes, ika-7 ng Abril 2016—Idinaos dito ang diyalogo ng mga departamentong panseguridad ng Tsina at Timog-silangang Asya hinggil sa paglaban sa terorismo. Ipinasiya sa pulong na pahihigpitin ang kooperasyon sa seguridad at paglaban sa terorismo ng nasabing mga bansa.
Si Meng Jianzhu, Pangkalahatang Kalihim ng Commission for Political and Legal Affairs ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, kasama ang mga kalahok sa diyalogo.
"Isasagawa rin ng kapuwa panig ang aksyon para mapahigpit ang kanilang bilateral at multilateral na kooperasyon sa paglaban sa terorismo." Ito ang sinabi ni Meng Jianzhu, Pangkalahatang Kalihim ng Commission for Political and Legal Affairs ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, habang lumalahok sa seremonya ng pagbubukas ng nasabing diyalogo. Nakipagtagpo rin siya sa mga puno ng delegasyon ng iba't ibang kalahok na bansa.
Sinabi ni Meng na sa kasalukuyan, kumakalat ang tunguhin ng pandaigdigang terorismo, at ito ay nagbunsod sa realistikong banta sa Tsina at mga bansa ng Timog-silangang Asya. Aniya, nakahanda ang Tsina, kasama ng iba't ibang bansa sa Timog-silangang Asya, na idaan sa aksyon ang komon, komprehensibo, kooperatibo, at sustenableng estratehiyang panseguridad ng Asya na iniharap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa ika-4 na Summit ng Conference on Interaction and Confidence Building Measures in Asia (CICA) noong Mayo ng 2014. Handa rin aniya ang Tsina, na kumpletuhin ang bilateral at multilateral na mekanismong pangkooperasyon, at palakasin ang pagpapalitan ng impormasyon ng paglaban sa terorismo. Walang humpay na palalawakin din ang kooperasyon, at patataasin ang kakayahan sa magkasamang pagbibigay-dagok sa terorismo, aniya pa.
Dagdag pa ni Meng, dapat likhain ang katangi-tanging multilateral na plataporma ng kooperasyon sa paglaban sa terorismo sa rehiyong ito, at gumawa ng bagong ambag para sa pangangalaga sa kaligtasan ng buhay at ari-arian ng mga mamamayan ng sariling bansa, at pangangalaga sa kaligtasan at katatagan ng rehiyon.
Sinang-ayunan naman ng iba't ibang kalahok na palalimin, kasama ng Tsina, ang pagpapalitan ng impormasyon, at gumawa ng pragmatikong aksyon sa paglaban sa terorismo.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |