Huwebes, ika-21 ng Abril 2016, ipinahayag ni Liow Tiong Lai, Ministro ng Transportasyon ng Malaysia na sinang-ayunan na ng Mozambique at Timog Aprika na patuloy na hahanapin ang labi ng nawawalang Flight MH 370 ng Malaysia Airlines sa kani-kanilang rehiyong pandagat.
Ayon sa ulat ng Bernama, pambansang ahensiya sa pagbabalita ng Malaysia, sinabi ni Liow na kung matutuklasan ang mas maraming pinaghihinalaang piraso, ipapadala ng panig Malay ang grupo ng paghahanap. Aniya, ang pagtuklas sa mas maraming piraso ay makakatulong sa pag-aanalisa sa sanhi ng pagkabagsak ng eroplano.
Ayon sa opisyal na pahayag ni Darren Chester, Ministro ng Imprastruktura at Transportasyon ng Australia, kinumpirma ng Technical Examination Report ng Australian Transport Safety Bureau (ATSB) na ang dalawang piraso ng eroplano na natuklasan sa Mozambique ay galing sa nawawalang Flight MH 370 ng Malaysia Airlines. Aniya, ang resultang ito ay muling nagpatunay na posibleng bumagsak sa South Indian Ocean ang MH370.
Salin: Vera