|
||||||||
|
||
Biyernes, Mayo 20, 2016, nagtalumpati ang namamahalang tauhan ng Tanggapan ng Komite Sentral ng Partido Komunista at Tanggapan ng Konseho ng Estado ng Tsina sa mga Suliranin ng Taiwan, hinggil sa kasalukuyang relasyon ng magkabilang pampang ng Taiwan Strait.
Anang talumpati, sa kasalukuyan, masalimuot at matinding kalagayan ng Taiwan Strait, at lubos na pinag-uukulan ng pansin ng mga kababayan ng magkabilang pampang ang prospek ng pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang.
Anito, ang susi ng pangangalaga sa mapayapang pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang ng Taiwan Strait ay nakasalalay sa paggigiit sa pundasyong pulitikal ng "1992 Consensus." Nilinaw ng "1992 Consensus" ang saligang esensya ng relasyon ng magkabilang pampang, at pinatunayang ang Mainland at Taiwan ay kapuwa nabibilang sa isang Tsina. Kapuwa kinilala at kinumpirma ng mga lider ng magkabilang pampang ang naturang consensus, at nagsisilbi itong pundasyon ng mapayapang pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang.
Anang talumpati, sa inagurasyon ng bagong halal na lider ng awtoridad ng Taiwan, binanggit niya ang pagkakaroon ng komong palagay sa pag-uusap ng magkabilang pampang noong 1992. Ipinahayag din ng bagong lider ng Taiwan na hahawakan ang mga suliraning may kinalaman sa relasyon ng magkabilang pampang, ayon sa mga umiiral na kinauukulang regulasyon, at tuluy-tuloy na pasusulungin ang mapayapa at matatag na pag-unlad ng relasyon ng dalawang panig, batay sa umiiral na pundasyong pulitikal. Pero di-malinaw ang kanyang pakikitungo sa esensya ng relasyon ng magkabilang pampang, hindi niya malinaw na kinilala ang "1992 Consensus" at nukleong nilalaman nito. Hindi rin niya iniharap ang konkretong paraan ng paggarantiya sa mapayapa at matatag na pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang.
Dagdag pa ng talumpati, malinaw at palagian ang pangunahing patakaran at prinsipyo ng Tsina sa isyu ng Taiwan. Patuloy na igigiit anito ng Tsina ang pundasyong pulitikal ng "1992 Consensus," at buong tatag na tututulan ang "pagsasarili ng Taiwan." Matibay din aniyang pangangalagaan ang simulaing "Isang Tsina," at magsisikap, kasama ng mga kababayang Taiwanes at mga partido at organisasyon ng Taiwan na kumikilala sa simulaing "Isang Tsina," na pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng Taiwan Strait, at pasulungin ang mapayapang pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |