Sa pagtataguyod ng Ministring Panlabas ng Tsina, idinaos ngayong araw, Biyernes, ika-27 ng Mayo 2016, sa Beijing ang promosyon para sa Guangxi Zhuang Autonomous Region sa timog kanluran ng bansa.
Kalahok sa aktibidad na ito ang mahigit 500 personahe na kinabibilangan ng mga diplomata mula sa 110 bansa, mga kinatawan mula sa sirkulo ng industriya at komersyo ng Tsina at ibang bansa, mga mamamahayag ng media, at iba pa.
Ipinahayag ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na sa pamamagitan ng China ASEAN Expo, mabilis na nagbubukas sa daigdig ang Guangxi. Matalik aniya ang pakikipagkooperasyon ng Guangxi sa mga bansa ng Timog-silangang Asya, at ibang bahagi ng daigdig. Nananalig si Wang, na sasamantalahin ng Guangxi ang pagkakataon ng "Belt and Road" Initiative, para ibayo pang palakasin ang pakikipagkooperasyon sa iba't ibang bansa ng daigdig, at magbigay ng mas maraming ambag sa komong kaunlaran at kasaganaan.
Bumigkas naman ng talumpati sa aktibidad ang mga embahada ng Malaysia at Biyetnam sa Tsina. Positibo sila sa kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, sa pagitan ng Guangxi at mga bansang ASEAN. Ipinahayag din nila ang kahandaan ng kani-kanilang bansa, na ibayo pang palalimin ang pakikipagpalitan at pakikipagtulungan sa Guangxi.
Salin: Liu Kai