Nakipagtagpo kahapon, Martes, ika-31 ng Mayo 2016, sa Beijing si Premyer Li Keqiang ng Tsina, sa mga kalahok sa taunang pulong ng Asia News Network (ANN). Sila ay mga namamahalang tauhan ng mga media mula sa mahigit 10 bansang Asyano, gaya ng Thailand, Indonesya, Timog Korea, Laos, Pakista, Singapore, Indya, at iba pa.
Sinabi ni Li, na sa kasalukuyan, ang Asya ay isa sa mga rehiyon sa daigdig na may pinakamalaking sigla at potensyal sa pag-unlad. Aniya, tumataas ang katayuan ng Asya, at lumalaki ang papel nito sa kayarian ng pulitika at kabuhayan ng daigdig. Umaasa si Li, na magkakasamang magsisikap ang mga media ng Asya, upang lumikha ng magandang atmospera para sa kapayapaan, kaunlaran, at kooperasyon ng rehiyong ito at buong daigdig.
Binigyang-diin din ni Li, na bilang matalik na magkapitbansa, ang komong interes ng Tsina at mga iba pang bansang Asyano, na kinabibilangan ng mga bansang ASEAN, ay mas malaki kaysa kanilang pagkakaiba. Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng mga bansang ito, na magkakasamang pangalagaan ang mapayapa at matatag na kapaligiran ng rehiyon at daigdig, at mapayapang lutasin ang mga hidwaan sa pamamagitan ng paraang diplomatiko. Ani Li, ito ay para lumikha ng magandang kinabukasan ng Asya.
Ang Asia News Network ay binubuo ng 21 media na gumagamit ng wikang Ingles mula sa 19 na bansang Asyano.
Salin: Liu Kai