|
||||||||
|
||
Ayon sa pinakahuling "Crop Prospects and Food Situation" na inilabas nitong Huwebes, Hunyo 2, 2016 ng United Nations Food and Agriculture Organization (UNFAO), sanhi ng epekto ng El Niño at walang tigil na sagupaan, umabot sa 37 ang bilang ng mga bansang nangangailangan ng tulong sa pagkaing-butil: mula sa dating 34 noong nagdaang Marso. Wala sa naturang listahan ang Pilipinas.
Mga bansang nangangailangan ng tulong sa pagkaing-butil
Anang ulat, ang El Niño ay may malaking epekto sa mga bansang Pasipiko at Caribbean. Bumaba ang output ng pagkaing-butil, at lumalala ang kalagayan ng food security. Grabe ring naapektuhan ng El Niño ang ilang rehiyon sa South America at katimugang Aprika. Kabilang sa 28 bansang mino-monitor ng UNFAO ang 12 bansa na lumubha ang kalagayan ng food security, dahil sa sagupaang panloob at kawalang-tahanan ng mga tao.
Samantala, tinaya ng ulat ng UNFAO na lalaki ang output ng pagkaing-butil sa buong mundo. Pinataas din nito sa 2.539 bilyong tonelada ang pagtaya sa output ng pagkaing-butil ng daigdig sa taong 2016. Ito ay tumaas ng 0.6% kumpara noong 2015.
Binigyang-diin din ng ulat na kahit may pagtaas ang pagtaya sa output ng pagkaing-butil, mas mababa ito kaysa pagtaya ng pangangailangan sa taong 2016 at 2017. Anito, ito ay nangangahulugang bababa ang reserba ng pagkaing-butil sa buong daigdig.
Ayon sa isa pang ulat, nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na kahit papatapos na ang El Niño, tatagal ng ilang buwan ang epekto nito.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |