|
||||||||
|
||
Nanning, Rehiyong Awtonomo ng Guangxi ng Tsina—Idinaos dito Huwebes, Hunyo 2, 2016 ang China-ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) Forum on Industrial Capacity Cooperation 2016.
Ipinahayag sa porum ni Yang Xiuping, Pangkalahatang Kalihim ng ASEAN-China Center, na ang Tsina ang pinakamalaking trade partner ng ASEAN nitong nakalipas na 6 na taong singkad, at ang ASEAN naman ang ika-3 pinakamalaking trade partner ng Tsina noong nakaraang 4 na taon. Aniya, pinakamasigla sa mga dialogue partnership ng ASEAN ang relasyong Sino-ASEAN.
Pinag-ukulan ng pansin ng mga kalahok ang mga mahalagang paksang gaya ng pinansyal na pagkatig sa pagpapasulong ng kooperasyong pandaigdig ng Tsina at ASEAN sa production capacity, at pagpapasigla ng substantial economy.
Inimungkahi ni Yang na dapat itakda ng mga pamahalaan ng iba't ibang bansa ang may kinalamang patakaran, para ienkorahe ang local currency settlement sa proseso ng transnasyonal na kalakalan at pamumuhunan. Ito aniya ay upang mapababa ang kapital ng transaksyon.
Iminungkahi rin sa porum ni Du Qinglin, Pangalawang Tagapangulo ng Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino (CPPCC), na lubos na patingkarin ang papel ng mga bangkong pampatakaran ng iba't ibang bansa, development financial institutions, Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB), Silk Road Fund at iba pa, at pag-ibayuhin ang pagkatig sa mga proyekto ng kooperasyon sa production capacity.
Ipinahayag naman ni Pek Hak Bin, miyembro ng Board of Directors ng Energy Market Authority ng Singapore, na ang mga bansang ASEAN ay isang napakalaking pamilihan ng konsumo. Aniya, nitong nakalipas na ilang taon, parami nang paraming kompanyang lokal ang lumilitaw, pero, kapos sila sa pondo. Dagdag pa niya, kailangang-kailangan ng mga proyekto ng enerhiya sa Pilipinas, Indonesia, Myanmar, Kambodya at iba pang bansa ang pagkatig ng puhunang pandaigdig, lalong lalo na, ng puhunang Tsino.
Sa porum nang araw ring iyon, isinagawa nina Toe Aung Myint, Permanent Secretary ng Ministri ng Komersyo ng Myanmar, at Chea Vuthy, Pangalawang Pangkalahatang Kalihim ng Council for the Development of Cambodia (CDC) ang promosyon hinggil sa kapaligiran ng pamumuhunan ng kanilang bansa, at inanyayahan ang pamumuhunan ng mga bahay-kalakal ng Tsina.
Sinabi naman ni Gao Yingxin, Vice President ng Bank of China, na ang inobatibong paraan ng pangingilak ng pondo ay magkakaloob ng pagkatig sa mga proyekto ng kooperasyon sa production capacity. Dagdag niya, hindi lamang mga opisyal na plataporma ng kapital ang kailangan, dapat ding hikayatin ang paglahok ng pribadong pondo sa usaping ito.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |