Nanning, Rehiyong Awtonomo ng Guangxi ng Tsina—Binuksan dito Martes ng gabi, ika-7 ng Hunyo, 2016, ang ika-5 Linggo ng Musika ng Tsina at ASEAN. Nagtipun-tipon dito ang mahigit 220 kilalang alagad ng sining sa musika mula sa 25 bansa at rehiyon na kinabibilangan ng Pilipinas, para bahaginan ng kanilang bagong komposisyon at kuru-kurong pansining, at hanapin ang bagong paraan ng paglikha ng komposisyong paghahalu-haluin ang mga elementong pambansa, tradisyonal, at moderno.
Sa seremonya ng pagbubukas, sinabi ni Pham Thanh Binh, Consul General ng Biyetnam sa Nanning, na walang hanggahan ang pagpapalitang kultural at pansining. Ang linggo ng musika ng Tsina at ASEAN ay nagkaloob ng bagong plataporma para sa pagpapalitan at pagtutulungang pansining ng kapuwa panig, at nagsilbi itong mahalagang tulay ng pagpapalalim ng pag-uunawaan at pagpapahigpit ng pagkakaibigan ng mga mamamayan ng Tsina at ASEAN.
Sa darating na 7 araw, idaraos ang 22 konsiyerto, 3 mataas na porum ng mga dalubhasa sa musika, at 6 na lecture. Itataguyod din ang mga primera klaseng palabas ng chamber orchestra mula sa Pilipinas, Amerika, Alemanya, Singapore, Biyetnam, Malaysia, Kambodya at Indonesia.
Salin: Vera