Kaugnay ng kaso ng South China Sea arbitration na unilateral na isinumite ng Pilipinas, ipinahayag kamakailan ng ilang dalubhasa at iskolar ng Ehipto na kinakatigan ng mga bansang Arabe ang paninindigan ng Tsina sa isyu ng arbitrasyong ito. Anila, dapat itigil ng mga bansa sa labas ng rehiyon ang pakikialam sa isyu ng South China Sea, para malutas ng mga may kinalamang panig ang alitan, sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian.
Ipinalalagay ni Mahmoud Allam, dating Embahador ng Ehipto sa Tsina, na ang aksyon ng Pilipinas ay naglalayon, sa isang banda, na isadaigdig ang isyu ng South China Sea, at sa kabilang banda naman, ipataw ang presyur sa Tsina sa pamamagitan ng arbitrasyon. Aniya, napakatatag ng paninindigan ng Tsina sa isyu ng soberanya, kaya hindi maisasakatuparan ang layunin ng Pilipinas.
Ipinahayag naman ni Omar Hassan, Direktor ng Sentro ng Pananaliksik sa Estratehiya ng Mga Bansang Gulpo, na hinahangaan ng mga bansang Arabe ang paninindigan ng Tsina habang hinahawakan ang mga isyung may kinalaman sa soberanya at teritoryo. Aniya, tulad ng makatarungang paninindigan na iginigiit ng Tsina sa mga isyu sa rehiyon ng mga bansang Arabe, kinakatigan ng mga bansang Arabe ang karapatan ng Tsina sa pangangalaga sa soberanya at kabuuan ng teritoryo sa isyu ng South China Sea arbitration.
Ipinalalagay din ng mga dalubhasa na sa likod ng South China Sea arbitration ay ang pakikialam ng Amerika sa isyung panrehiyon at paglapastangan sa soberanya ng Tsina, sa ilalim ng estratehiya ng "pagbalik muli sa Asya-Pasipiko."
Salin: Vera