Ipinalabas ngayong araw, Biyernes, ika-17 ng Hunyo 2016, ng pahayagang People's Daily ng Tsina, ang artikulo hinggil sa pagdalaw ni Pangulong Xi Jinping sa Serbia at Poland. Anang artikulo, ang nasabing pagdalaw ay magbibigay ng bagong lakas sa kooperasyon ng Tsina at Gitnang-silangang Europa.
Anito pa, nitong 4 na taong nakalipas, sapul nang idaos noong 2012 ang summit ng Tsina at mga bansa sa Gitnang-silangang Europa, natamo ng dalawang panig ang maraming bunga sa mga aspekto na gaya ng kabuhayan, kalakalan, pamumuhunan, imprastruktura, pinansyo, turismo, edukasyon, agrikultura, kooperasyong lokal, at pagpapalitan ng mga mamamayan.
Tinukoy din ng artikulo, na nasa kahabaan ng Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road ang lahat ng 16 na bansa sa Gitnang-silangang Europa. Anito, ang pagpapasulong ng "Belt and Road" Initiative ay isang pokus ng biyahe ng Pangulong Tsino sa Serbia at Poland. Umaasa ang panig Tsino, na sa pamamagitan nito, mapapasulong sa bagong antas ang pragmatikong kooperasyon ng Tsina at mga bansa sa Gitnang-silangang Europa.
Salin: Liu Kai