Ayon sa Xinhua News Agency, pagkaraang ilabas ng Arbitral Tribunal ang umano'y pinal na hatol sa isyu ng South China Sea, ipinahayag sa Washington D.C. nitong Martes, Hulyo 12, 2016, ni Embahador Cui Tiankai ng Tsina sa Estados Unidos, na ang talastasan at pagsasanggunian ay nananatili pa ring pinakamainam na paraan para malutas ang hidwaan ng mga may-kinalamang bansa. Aniya, hindi mahahadlangan ng isang papel na basura ang diplomatikong pagsisikap ng Tsina, at hindi rin natatakot ang Tsina sa mga aircraft carriers.
Sa kanyang talumpati nang araw ring iyon sa Center for Strategic and International Studies ng Estados Unidos, sinabi ni Cui na ang layon ng buong tatag na pagtanggi ng Tsina sa kaso ng arbitrasyon, ay hindi lamang pangalagaan ang sariling kapakanan, kundi tupdin ang responsibilidad para igiit ang pagkakapantay-pantay sa daigdig, at pundamental na prinsipyo ng pandaigdigang batas. Dagdag pa niya, ang mga aksyong nakatuon laban sa Tsina sa ngayon ay posible ring maganap sa ibang kasapi ng komunidad ng daigdig sa hinaharap. Kaya, dapat tutulan ito ng Tsina.
Kaugnay ng relasyong Sino-Amerikano, ipinahayag ni Cui na ang hidwaan sa South China Sea ay hindi isyu sa pagitan ng Tsina at Amerika. Ang South China Sea aniya ay hindi dapat ituring bilang lugar kung saan may estratehikong pag-aaway ang dalawang bansa.
Salin: Li Feng