Martes, ika-12 ng Hulyo, 2016, inilabas ng 5-miyembrong Arbitral Tribunal ang pinal na desisyon sa isyu ng South China Sea (SCS). Kaugnay nito, inulit ng pamahalaan at mga lider ng Tsina ang paninindigan ng panig Tsino sa soberanyang panteritoryo at karapata't kapakanang pandagat sa nasabing karagatan. Binigyang-diin nilang imbalido ang nasabing desisyon at wala rin itong binding force, kaya, hindi ito tinatanggap o kinikilala ng Tsina. Buong tatag anilang magpupunyagi ang Tsina, para mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea, at direktang lutasin, kasama ng mga may kinalamang bansa ang kinauukulang alitan, batay sa paggalang sa katotohanang historikal at pandaigdigang batas, sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian. Nakahanda ang Tsina na makipagtulungan sa ibang bansa sa baybayin ng nasabing karagatan at komunidad ng daigdig, upang mapangalagaan ang kaligtasan at kaayusan ng tsanel ng abiyasyong pandaigdig ng SCS, anila pa.
Sa kanyang pakikipagtagpo sa Beijing Martes, kina Donald Tusk, Pangulo ng European Council, at Jean-Claude Juncker, Pangulo ng European Commission, binigyang-diin ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na ang mga isla sa South China Sea ay teritoryo ng Tsina mula noong sinaunang panahon. Aniya, ang soberanya sa teritoryo at mga karapatan at kapakanang pandagat ng Tsina sa South China Sea ay hindi maaapektuhan ng arbitrasyong unilateral na iniharap ng pamahalaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ng Pilipinas. Hindi aniya tatanggapin ng Tsina ang anumang paninindigan at aksyon batay sa resulta ng arbitrasyon. Aniya, laging pinapangalagaan ng Tsina ang prinsipyo ng "rule of law," pagkakapantay-pantay, at katarungan, at tumatahak ang bansa sa landas ng mapayapang pag-unlad. Dagdag ni Xi, igigiit ng Tsina ang pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng South China Sea. Patuloy aniyang magsisikap ang Tsina, kasama ng mga may direktang kinalamang bansa, para mapayapang lutasin ang hidwaan, batay sa mga katotohanang pangkasaysayan, alinsunod sa pandaigdig na batas, at sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian.
Sa okasyon ng ika-18 pagtatagpo ng mga lider ng Tsina at EU, Martes ng hapon, ipinahayag naman ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na hindi tinatanggap at kinikilala ng pamahalaang Tsino ang nasabing final award ng South China Sea arbitration. Aniya, ito ay hakbangin ng pangangalaga sa pandaigdigang batas. Sinabi ni Li na bilang may direktang kaugnayang bansa, nagpapahalaga at nagkokonsentra ang panig Tsino sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon ng South China Sea. Patuloy aniya nitong mapayapang lulutasin ang mga kinauukulang alitan, batay sa tadhana ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC) at pandaigdigang batas, sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian. Umaasa aniya siyang mananatiling obdiyektibo at walang-kinakampihan ang panig Europeo sa isyung ito.
Salin: Vera