Ayon sa Xinhua News Agency, sa isang magkakasanib na komunikeng ipinalabas Biyernes, Hulyo 22, 2016, sa Pulong na Ministeriyal ng Malaysia, Australia, at Tsina, sinabi nitong kung hindi matutuklasan ang labi ng nawawalang Flight MH370 sa loob ng 120 libong square kilometres na naitakdang search area, at walang makikitang bagong maaasahang ebidensiya, sususpendihin ang search operation.
Ang nasabing pulong ay ginanap nang araw ring iyon sa Putrajaya, administratibong kapital ng Malaysia. Magkakasama itong pinanguluhan nina Liow Tiong Lai, Ministro ng Komunikasyon ng Malaysia, Darren Chester, Ministro ng Imprastruktura at Komunikasyon ng Australia, at Yang Chuantang, Ministro ng Komunikasyon at Transportasyon ng Tsina.
Ipinagdiinan din ng komunike na ang pagsuspendi ng paghahanap ay hindi nangangahulugan ng katapusan ng pagsisikap. Inulit nito na hindi itinakwil ang pag-asa sa paghahanap ng nasabing nawawalang eroplano. Kung makikita ang masusing impormasyong makakatulong sa search operation, aanalisahin at gagawin ang mga katugong hakbangin.
Salin: Li Feng