Sa pag-uusap sa Vientiane, Laos, noong Hulyo 25, 2016 nina Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina at John Kerry, Kalihim ng Estado ng Amerika, buong pagkakaisa nilang ipinalagay na nananatiling mainam ang relasyong Sino-Amerikano, batay sa pinapahigpit na pagpapalitan at pagtutulungan. Anila, umaasa silang maayos na mahahawakan ang pagkakaiba ng palagay ng dalawang panig para maigarantiya ang masulog at matatag na relasyong Sino-Amerikano. Ito, dagdag pa nila ay para pasulungin ang kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng daigdig.
Nang mabanggit ang isyu ng South China Sea(SCS), ipinahayag ni Wang Yi na isinapubliko ng Tsina at ASEAN ang isang magkasanib na pahayag hinggil sa komprehensibo at mabisang pagsasakatuparan ng "Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea"(DOC). Aniya, ito ay nagpapakitang maibabalik sa tumpak na paraan para lutasin ng mga direktang may-kinalamang panig ang isyu ng SCS, sa pamamagitan ng mapayapang talastasan. Ipinahayag ni Wang ang pag-asang susuportahan ng Amerika ang pagpapanumbalik ng diyalogo sa pagitan ng Tsina at Pilipinas, at ang pagsisikap ng Tsina at ASEAN para sa pangangalaga sa kapayapaang panrehiyon.
Ipinahayag naman ni Kerry ang pagpapahalaga sa nasabing magkasanib na pahayag. Aniya, walang paninindigan ang Amerika sa resulta ng arbitrasyon ng SCS, at positibo siya sa pagkakaroon ng diyalogo ng Tsina at Pilipinas. Umaasa aniya siyang matatapos ang isyu sa arbitrasyon ng SCS, sa lalong madaling panahon, para mapanumbalik ang katahimikan sa karagatang ito.