Kinatagpo sa Beijing, noong Hulyo 25, 2016 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang National Security Adviser ng Amerika na si Susan Rice.
Tinukoy ni Pangulong Xi na nitong tatlong taong nakalipas, ilang mahalagang pagkakasundo ang narating ng mga Pangulong Tsino at Amerikano, lalo na ang hinggil sa pagtatatag ng bagong relasyong Sino-Amerikano para pasulungin ang pagtatamo ng pragmatikong resulta ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa.
Binigyang-diin ng Pangulong Tsino na ang pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayang Tsino ang target ng pag-unlad ng Tsina. Aniya, hindi tatahak ang bansa sa landas ng hegemonismo, at wala rin itong intensyon na baguhin ang kasalukuyang kaayusan at regulasyong pandaigdig. Umaasa aniya siyang mapapahigpit ang pagtitiwalaan at pagtutulungan ng Tsina at Amerika para magkasamang pasulungin ang pagiging mabunga ng G20 Summit na nakatakdang idaos sa Hangzhou, Tsina, sa kasalukuyang taon. Ito aniya'y hindi lamang magkakalat ng optimismo at tiwala sa buong daigdig, kundi makakatulong din sa pagpapasigla ng kabuhayang pandaigdig.
Ipinahayag naman ni Rice na sa palagay ni Pangulong Barack Obama, ang relasyong Sino-Amerikano ang pinakamahalagang relasyong bilateral sa daigdig, at ang natamong tagumpay ng Tsina sa pagpapalakas ng bansa ay angkop sa interes ng Amerika. Aniya pa, nakahanda ang Amerika na magsikap, kasama ng Tsina para palakasin ang pagtitiwalaan at pragmatikong pagtutulungan, at mabisang pamahalaan at kontrolin ang pagkakaiba ng palagay.