Guiyang, Lalawigang Guizhou ng Tsina—Binuksan dito Lunes, Agosto 1, 2016, ang Ika-9 na China-ASEAN Education Cooperation Week. Ang taong 2016 ay "Taon ng Pagpapalitang Pang-edukasyon ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)" at ang kasalukuyang linggo ay itinuturing na pangunahing proyekto ng nasabing "taon ng pagpapalitan." Ang nasabing aktibidad ay isa ring mahalagang bahagi ng pagdiriwang sa ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong pandiyalogo ng Tsina at ASEAN. Ang naturang anibersaryo at linggo ng pagpapalitang pang-edukasyon ay may isang tema: "Pagbibigay ng Priyoridad sa Edukasyon, Magkasamang Pagsasakatuparan ng Pangarap."
Mahigit 30 kinauukulang aktibidad ang ihahandog sa panahon ng kasalukuyang linggo. Kabilang dito, idaraos sa Martes ang ika-2 Roundtable Conference ng Mga Ministro ng Edukasyon ng Tsina at ASEAN. Ang unang roundtable conference ay idinaos noong 2010. Pagtitibayin sa kasalukuyang pulong ang "Action Plan ng Tsina at ASEAN sa Kooperasyong Pang-edukasyon (mula taong 2016 hanggang 2020)." Magsisilbi itong unang panlimahang taong plano ng Tsina at ASEAN sa larangan ng edukasyon. Ang nilalaman nito ay sasaklaw sa mga larangang kinabibilangan ng pundamental na edukasyon, higher education, vocational education, pagpapalitan ng mga estudyante, kooperasyon ng mga think tank, at iba pa.
Sapul nang idaos ang unang China-ASEAN Education Cooperation Week noong 2008, nakapagpasulong ito sa pagpapalitan ng mga estudyante ng Tsina at ASEAN. Kabilang dito, noong 2015, tumaas sa 71,101 ang bilang ng mga estudyanteng mula sa mga bansang ASEAN sa Tsina. Ito'y mula 49,580 noong 2010. Lumaki naman sa 39,662 ang bilang ng mga mag-aaral na Tsino sa mga bansang ASEAN, mula 16,947 noong 2010.
Salin: Vera